Balik-kulungan ang dalawang lalaking suspects sa mga krimen na tumakas mula sa isang police detention facility sa bayan ng Magpet sa probinsya ng Cotabato nitong Sabado at naaresto ilang oras makalipas sa magkatuwang na operasyon ng pulisya at mga local officials.
Natunton ang mga puganteng sina Ronnie Empoc Umpan at Anthony Bayawan Oclao sa mga hiwalay na pursuit operation ng mga kasapi ng Magpet Municipal Police Station at ng Cotabato Provincial Police Office sa Barangay Amabel at Barangay Manobisa sa naturang bayan.
Si Umpan at Oclao ay parehong may kinakaharap na kasong panggahasa ng mga menor-de-edad na mga babae.
Sila ay natunton ng mga pulis at local officials sa kanilang pinagtaguan sa tulong ng mga impormanteng hindi na kinilala ng mga kinauukulan upang hindi sila malagay sa peligro.
Pinasalamatan nitong Linggo, May 18, 2025, ni Col. Gilberto Tuzon, director ng Cotabato provincial office, ang mga local executives na tumulong sa paghanap at muling pag-aresto kina Umpan at Oclao, parehong naibalik na sa detention facility ng Magpet Municipal Police Station. (May 18, 2025)