
Dalawang hindi pa nakikilalang mga indibidwal ang agad na namatay sanhi ng pagsabog ng isang uri ng malakas na improvised explosive device sa isang beach resort sa Barangay Lower Bayao sa Tukuran, Zamboanga del Sur nitong madaling araw ng Martes, September 17, 2024.
Sa inisyal na ulat na inilabas bago magtanghali nitong Martes, kinumpirma ng Tukuran Municipal Police Station at ng Zamboanga del Sur Provincial Police Office ang insidente na naganap sa AJ Resort sa dalampasigan ng Barangay Lower Bayao, nagdulot ng tensyon sa mga residente ng naturang barangay.
Sa mga ulat ng ibat-ibang himpilan ng radyo sa Zamboanga del Sur at sa Cotabato City, inaalam pa ng mga imbestigador kung sino ang dalawang nasawi sa pagsabog ng home-made bomb na inilagay sa loob ng utility box ng isang motorsiklong iniwan hindi kalayuan sa isang tindahan sa naturang beach resort.
Inaalam pa ng mga imbestigador kung sino ang responsable sa naturang pambobomba.
Ayon kay Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, director ng police Regional Office-9, nagtutulungan ang mga opisyal ng Zamboanga del Sur Provincial Police Office at ng 1st Infantry Division ng Philippine Army sa pag-imbestiga sa insidente. (September 17, 2024)