Dalawang lalaking armado ng mga itak na target sana ng isang anti-narcotics operation ang napatay ng mga pulis na kanilang sinugod at pinagtataga habang nasa isang lugar sa Barangay Camino Nuevo sa Zamboanga City nitong gabi ng Lunes, September 22.

Kinumpirma nitong Miyerkules, September 24, ng mga senior officials ng Police Regional Office-9 at ng sakop nitong Zamboanga City Police Office ang pagkamatay sa naturang insidente nila Harold Campo Elum, 45-anyos, at ng 45-anyos na si Melvin Flores.

Nagtamo naman ng sugat sa kamay si Police Senior Master Sgt. Ajlen Julkarnain sa naturang insidente at agad na naisugod din ng kanyang mga kasama at mga barangay emergency responders sa isang hospital para malapatan ng lunas.

Ayon sa mga local officials, target ng isang entrapment operation sana sina Elum at Flores, kilalang mga dealer ng shabu at marijuana, na biglang nagwala, naglabas ng mga itak at sinugod ang mga pulis na bibili sana sa kanila ng shabu sa isang lugar sa Barangay Camino Nuevo.

Isang pulis pa, si Corporal Nashri Abdulsabur, ang nataga ng isa sa kanila ngunit hindi naman nasugatan dahil ang kanyang sling bag ang nahagip ng itak nito at nasira, ayon sa mga kinauukulan.

Ayon sa mga opisyal ng PRO-9, may nakuhang abot sa P34,000 na halaga ng shabu sa mga bulsa ng mga napatay na sina Elum at Flores ang mga police forensic experts at barangay officials na nagresponde sa insidente. (Zamboanga City, Region 9)