COTABATO CITY (November 10, 2025) —-Arestado ang dalawang lalaking nakumpiskahan ng hindi lisensyadong mga pistols, nasabat sa isang checkpoint sa Barangay Tamontaka 2 sa Cotabato City nitong Linggo, November 9.

Kinumpirma nito ring Linggo ng mga barangay leaders at mga city officials na agad na na-detine sa Cotabato City Police Station 3 sina Muhaimin Saguia Alungan, 30-anyos, at kanyang 35-anyos na kasamang si Badrodin Sadang Ison matapos makunan ng isang .45 caliber Springfield Armory pistol at isang .45 caliber Norinco pistol na nakita sa loob ng kanilang sasakyang kulay blue na Suzuki Palette, may plakang MAM 9833.

Pinigil ng mga pulis sa isang checkpoint ang sasakyan nila Alungan at Sadang para sa isang plain view inspection lang sana ngunit tuluyan na silan inaresto at na-impound ang kanilang sasakyan ng makitaan sa loob nito ng dalawang .45 caliber pistols.

Ayon kay Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, magkatuwang sa pagsagawa ng naturang checkpoint operation ang mga operatiba ng intelligence unit ng Cotabato City Police Office, pinamumunuan ng director nitong si Col. Jibin Bongcayao, ng mga kasapi ng Cotabato City Police Precinct 3 at iba pang units ng PRO-BAR at ng mga miyembro ng Marine Battalion Landing Team-6.

Ayon kay De Guzman, ang masigasig na pagsasagawa ng joint police-military checkpoints sa Cotabato City, kabisera ng Bangsamoro region, ay batay sa personal na kahilingan ni Mayor Bruce Matabalao na siyang chairman ng multi-sector Cotabato City Peace and Order Council.

Ayon kay De Guzman, nahaharap sina Alungan at Ison sa kasong paglabag ng Republic Act 10591 na nagbabawal sa pagmamay-ari, o pagdadala ng mga baril at bala na walang pahintulot mula sa Philippine National Police.