Dalawang menor-de-edad na magkapatid ang patay habang malubha naman ang kanilang kasama ng sumemplang ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa Midsayap, Cotabato nitong hapon ng Linggo.
Naganap ang aksidente sa boundary Glad 1 at Sadaan sa Midsayap, nagsanhi ng agarang pagkamatay ng isang 12-anyos na batang lalaki at ng kanyang 13-anyos na kuya.
Sa mga hiwalay na ulat ng Cotabato Provincial Police Office at ng Midsayap Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office nitong gabi ng Linggo, magkaangkas ang magkapatid sa motorsiklong minamaneho ni Carl Sotomil na bumaliktad kaya tumilapon silang magkalayo at nabagok ang mga ulo sa sementong highway.
Nagtamo naman ng maselang mga sugat at pasa sa katawan si Sotomil na agad namang naisugod sa pagamutan ng mga police at local government emergency responders.
Nangako si Midsayap Mayor Rolly Sacdalan ng tulong sa pagpapalibing sa dalawang mga batang nasawi sa aksidente. (February 23, 2025)