Dalawang lalaking nagbebenta ng shabu ang nalambat ng mga pulis sa mga hiwalay na entrapment operations sa dalawang barangay sa Cotabato City nitong Huwebes, September 11, 2025.

Sa ulat nitong Biyernes, September 12, ng city officials at mga barangay leaders na tumulong sa pagsagawa ng naturang mga entrapment operations, nakadetine na ang mga suspects na sina Rene Boy Dela Cruz Encarnacion at si Michael Bendejo Emperado, nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, unang nalambat nitong hapon ng Huwebes sa Purok 8 sa Barangay Bagua 3 si Encarnacion ng magkasanib na mga operatiba ng Cotabato City Police Precinct 1, pinamumunuan ni Capt. Harmin Sinsuat, at ng mga kasapi ng iba pang mga units ng Cotabato City Police Office na sakop ng city police director na si Col. Jibin Bongcayao.

Agad na inaresto si Encarnacion ng mga pulis na kanyang nabentahan ng dalawang sachet ng shabu sa gilid ng isang kalye sa Barangay Bagua 3 sa isang entrapment operation na suportado ng Cotabato City local government unit.

Bandang takipsilim naman nito ring Huwebes ng ma-entrap ng mga tropa ng Cotabato City Police Stations 2 at 3 si Emperado sa Purok Pag-Asa sa Barangay Rosary Heights 7 sa lungsod.

Kusang-loob ng nagpa-aresto na si Emperado ng mapunang hindi unipormadong mga pulis, pinamumuan ni Capt. Kenneth Van Encabo, ang kanyang nabentahan ng shabu sa isang lugar sa Purok Pag-Asa sa Barangay Rosary Heights 7.

Ayon kay Police Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng PRO-BAR, magkatuwang na naikasa nila Bongcayao, Sinsuat at Encabo ang dalawang entrapment operations sa tulong mga barangay officials at ng tanggapan ni Mayor Bruce Matabalao na siyang chairman ng multi-sector Cotabato City Peace and Order Council. (SEPTEMBER 12, 2025, COTABATO CITY, BANGSAMORO REGION)