Karagdagang 18 pa na mga kasapi ng mahina nang Dawlah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, lima sa kanila bihasa sa paggawa improvised explosive devices, ang nanumpa ng katapatan sa pamahalaan nitong Martes, September 23, 2025.
Ginanap ang naturang surrender rite sa headquarters ng 92nd Infantry Battalion sa Barangay Salbu sa Datu Saudi Ampatuan sa probinsya ng Maguindanao del Sur, dinaluhan ni Major Gen. Ramon Zagala, commander ng 2nd Infantry Division, ng mga municipal officials at mga Muslim religious leaders na sumusuporta sa pagsasawata ng violent religious extremism sa probinsya.
Unang isinuko ng grupo ang mahigit 30 combat weapons, kinabibilangan ng assault rifles, grenade at B40 anti-tank launchers at mga IEDs, sa mga opisyal ng 92nd IB, pinamumunuan ni Lt. Col. Christian Cabading, bago sila nangakong igagalang na ang pamahalaan sa harap ni Datu Saudi Ampatuan Mayor Bassir Utto, ni Zagala at ni Col. Rommel Pagayon ng 1st Brigade Combat Team.
Sa ulat nitong Huwebes ni Major Gen. Donald Gumiran, commander ng 6th Infantry Division pumayag na magbalik-loob sa pamahalaan ang 18 na mga kasapi ng Dawlah Islamiya at BIFF sa pakiusap ng mga officials ng 92nd IB at ng 601st Infantry Brigade na sakop ang buong probinsya ng Maguindanao del Sur.
Ayon sa mga local officials sa probinsya, lima sa mga sumukong Dawlah Islamiya at BIFF members ay mga eksperto sa paggawa ng mga IEDs na maaaring pasabugin sa malayo gamit ang mga mobile phones.
Pinasalamatan nila Zagala at Gumiran ang lahat ng mga nakatulong sa paghikayat sa 18 na mga local terrorists na sumuko at magbagong-buhay na.
Makikita sa larawan si Zagala na sinusuri ang mga combat weapons na isinuko ng 18 na mga kasapi ng Dawlah Islamiya at BIFF na sumuko sa 92nd IB nitong Martes. (September 25, 2025, Maguindanao del Sur, Bangsamoro Region)