Karagdagang 105 pa na mga mahirap na mga residente ng Special Geographic Area, o SGA, ng Bangsamoro region sa probinsya ng Cotabato ang nakinabang sa pinakabagong medical mission ng tanggapan ni Bangsamoro parliament member Kadil Sinolinding, Jr. nitong Lunes, October 13.
Ang medical mission sa Barangay Kadigasan sa bagong tatag na bayan ng Nabalawag sa SGA ng public service team ng tanggapan ni Sinolinding, kasalukuyan ding health minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ay sinuportahan ni BARMM Chief Minister Abdulrauf Macacua, ng mga medics mula sa Deseret Surgimed Hospital sa Kabacan, Cotabato at ng mga traditional Moro leaders sa probinsya.
Hiwalay na ibinalita nitong Martes, October 14, ni Nabalawag Mayor Rhenz Tukuran at ng chairman ng Barangay Kadigasan, si Jasmin Mohamad, na 70 na mga residente na sakop nila ang nabigyan ng libreng reading glasses ng medical team na sumuri sa kanila nitong Lunes.
Ayon kina Tukuran at Mohamad, 31 na iba pang mga senior citizens na may cataract at pterygium ang nasuri at nakatakda ng sasailalim sa ophthalmic surgical procedures na mismong si Sinolinding, isang eye surgeon na nagpakadalubhasa sa India, ang siyang mamamahala.
Pinasalamatan nila Tukuran at Mohamad si Sinolinding at si Macacua, na siyang namumuno ng 80-member parliament ng BARMM, na nagtulungan sa pagsasagawa ng naturang medical mission.
Sa tala, 11,254, na mga mahirap na mga residente ng mga probinsya ng Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, Lanao del Sur, Basilan at Tawi-Tawi at mga lungsod ng Lamitan, Marawi at Cotabato na may mga ibat-ibang karamdaman ang nagamot, sumailalim sa iba’t-ibang surgical procedures at iba pang medical interventions sa mga magkatuwang na outreach activities ng medical service team ng tanggapan ni Sinolinding sa regional parliament, ng Ministry of Health-BARMM mula ng siya ay na-appoint na parliament member ni President Ferdinand Marcos, Jr. noong 2022. (OCTOBER 14, 2025)