Home » 1,000 narra seedlings naitanim sa bagong Bangsamoro town

1,000 narra seedlings naitanim sa bagong Bangsamoro town

Hindi bababa sa 1,000 na mga narra seedlings ang magkatuwang na naitanim ng mga residente, mga sundalo at mga pulis sa community forest park sa Datu Binasing sa Pahamuddin municipality sa Cotabato province nitong nakalipas lang na linggo.

Iniulat nitong Martes, July 1, 2025, ng mga traditional Moro leaders at mga barangay officials sa Pahamuddin na nagtulungan sa pag-organisa ng naturang tree planting activity ang mga tanggapan ng abugadong si Naguib Sinarimbo na isa sa 80 na mga miyembro ng Bangsamoro parliament, at ng kanilang regional chief minister na si Abdulrauf Macacua.

Si Member of Parliament Sinarimbo ay nanilbihan bilang opisyal ng executive branch ng nabuwag ng Autonomous Region in Muslim Mindanao at naging local government minister din ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao bago siya itinalagang BARMM parliament member nito lang nakalipas na March 2025 ni President Ferdinand Marcos, Jr.

Nais ng mga community leaders sa Pahamuddin na maging isang regular ng aktibidad na ng BARMM government ang pagtatanim ng forest trees sa kanilang kapaligiran.

Ang Pahamuddin ay isa sa walong mga bagong tatag na Bangsamoro municipalities sa Cotabato province sa Region 12. Sakop ng naturang mga bagong municipalities ang 63 barangays na dating nasa teritoryo ng mga bayan sa Cotabato province ng Administrative Region 12.

Kabilang sa mga lumahok sa pagtanim ng narra seedlings sa community forest park sa Pahamuddin ang mga tropa ng mga units ng 6th Infantry Division na nakadestino sa naturang bayan at mga pulis na kasapi ng Pahamuddin Special Security Task Team na pinamumunuan ni Police Captain Rafael Bataan.

Sa kanyang pahayag nitong Martes, nangako ng suporta si Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, sa mga gagawin pang tree planting activities ng mga tanggapan nila Member of Parliament Sinarimbo at Chief Minister Macacua at ng BARMM environment and natural resources ministry. (July 1, 2025)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *